Mula sa Langit
Gawa daw tayo sa bituin, sabi ng siyentipiko.
Oo, hindi bola ito ngunit kosmolohiyang totoo.
Ganito raw iyon.
Sa simula may malaking pagsabog
at ang lakas at enerhiya ay sumiwalat
mula sa enerhiya may nabuong mga butil na naging hydrogen at helium.
Unang paglikha
At parang mga magkasintahan ay bumaling sa isa’t isa
nagyakap hanggang nagsanib sa isa pang pagsabog.
Ang ulap ng mga bagay-bagay ay naging bituin at lumiwanag.
Mula sa mga bituin nabuo ang mga elemento hanggang bakal.
Ikalawang paglikha
Ngunit malayo pa tayo, kulang pa ang sangkap,
kailangan pang mamatay ang mga bituin, sumabog muli
upang ang zinc, pilak at ginto ay mabuo.
Noon pa lamang nagkaroon ng angkop at sapat na sangkap,
mga elementong bubuo ng katawan ng tao.
Ikatlong paglikha
Gawa raw tayo sa mga bituin, supling ng mga pagkamatay ng bituin,
pagkamatay na sinaliwan ng pagsabog
na patuloy na ummalingawngaw sa uniberso.
Mga pagsabog na nagmistulang magulang ng sanilikha
ng araw at buwan
ng higad at kawayan
ng butil at kamangyan
ng lahat ng nabubuhay sa ilalim ng santinakpan.
Gawa raw tayo sa bituin, sabi ng siyentipiko
hindi ito doktrinang gawa ng teologo
ngunit namamatiyagan ng mga hi-tech na instrumento
at nalilinawagan ng mga kalkukasyon ng matematiko.
Gawa raw tayo sa bituin at sa bituin din ang hantungan natin.
Palayo nang palayo tayo sa pinagmulan
at sa huling hantungan
ang araw na kinasanayan
ay sasabog din tulad ng mga bituing dumating na sa katandaan.
Agaw-lamig
Dagliang natunaw ang niebe
parang kumot na hinugot, tinuklop, tinago
at inilantad ang nahihimlay na damo—luntian pa ngunit gasgas ng kaunti.
Nakabakat ang dilaw at kulay lupa sa gilid ng mga dahon.
Ngunit tumitibok pa rin ng luntiang pag-asa.
Hinihintay ang pagdating the tagsibol
na tila’y naaantala sapagkat ang takbo ng panahon ay nagbabago.
Gawa raw natin, kasalanan daw natin
responsibilidad daw natin ang pagkalito ng panahon.
Kaya’t di magtatagal at bukas na nga
babalik ang niebe
upang takpan ang nakalatag na damo
na matutulog muli
hanggang pukawin sapagkat oras na.
Awaiting Spring
The snow melted quickly.
Like a sheet pulled, folded and kept
to reveal the sleeping grass—still green though singed at the edge
where yellows and the terra colors fringe the leaves’ margins.
Despite the biting cold, green vitality flows
waiting for the return of spring,
which seems to be late because the seasons are changing.
We’re responsible for the weather’s confusion.
It won’t take long and tomorrow
snow will fall again and yet again
to hide the recumbent grass
at it sleeps
until awakened because the time has come.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home